Emmy L. Masola

NoelIsa si Emmy L. Masola sa mga táong nasa likod ng matagumpay na pagpadayon na ginagawa ng Dungug Kinaray-a, isang grupo ng mga manunulat sa loob at labas ng Antique na layuning maitampok ang kapangyarihan ng wika at kulturang Karay-a. Isang proyekto nila ang paghikayat sa kabataan na magsulat sa pamamagitan ng kanilang pakontes sa tula, kanta, maikling kuwento, at kuwentong pambata.

Kinapanayam siya ni Noel G. de Leon tungkol sa kaniyang pagsusulat, papel sa Dungug Kinaray-a, at paghubog sa panulat ng kabataang Karay-a.

*

Ang Dungug Kinaray-a ang nangungunang grupo ng mga manunulat na may malasakit sa wika at kultura ng mga Karay-a. Paano ito nagsimula at ano ang papel mo sa grupo?

Higit dalawampu’t limang taon na ang nakalipas mula nang may mga manunulat sa Kinaray-a ang naghangad na makalabas sa anino ng iba pang wika. Sa panahong iyon, kakapiranggot pa ang mga akda sa Kinaray-a. Napansin ito ni Ritchie D. Pagunsan, isang Karay-a, kaya itinatag niya ang DK na may hangaring palaguin ang paggamit ng wikang Kinaray-a.

Niyaya niya ang iba pang Karay-a mula sa iba’t ibang panig ng mundo at estado ng pagsusulat. Kasama kong tumanggap ng hamon sina Maria Milagros C. Geremia-Lachica, Ma. Felicia M. Flores, Glenn Sevilla Mas, Linda C. Arnaez-Lee, Consolita V. Rubino, Arlene D. Nietes-Satapornvanit, Bernie L. Salcedo, kag Manuel E. Magbanua, Jr. Sama-sama naming itinayo ang DK noong 2006 para ipagpatuloy ang pagsulat sa aming sariling wika at bigyan ito ng kaukulang pangangalaga upang mapigilan ang unti-unti nitong pagkalusaw hindi lamang sa larangan ng panitikan kundi pati na rin sa lipunan.

Dala ng aming madalas na pag-uusap tungkol sa kalagayan ng Kinaray-a, iminungkahi ko ang pagtuon sa malaking balakid sa pagpalaganap ng Kinaray-a – ang hiya at pagmamaliit na ikinakabit sa wikang ito. Binigyang-diin ko ang hangaring palaganapin ang wikang ito sa iba’t ibang paraan hanggang sa dumating ang araw na hindi na ito ikahiya ng mga Karay-a o maliitin ng ibang tao.

Sekretarya ako ng DK pero itinuturing kong pinakamahalagang papel ko sa grupo ang pagpapanatili ng ugnayan ng mga miyembro sa isa’t isa, pagtingin na buo at nagkakaisa ang aming adhikain at gawain, at higit sa lahat, pagtiyak na hindi kami puro salita at hangarin lamang.

 

13551005_10209245417429583_1233348821_n

 

Kuwentuhan mo kami kung paano ka nagsimulang magsulat sa Kinaray-a? At paano nakaapekto ang pagiging bahagi mo ng Dungug Kinaray-a?

Sa simula, napilitan lang akong magsulat sa Kinaray-a dahil nagkaroon ang Dungug Kinaray-a (DK) ng website at kailangang meron kaming mailathalang akda araw-araw. Pilít man sa umpisa, pag nasa pangalawang taludtod na ako, may kakaiba akong nararamdaman – ‘yong parang batis na tuloy-tuloy ang pagdaloy ng mga salita sa aking isipan, ‘yong hindi mahabol-habol ng aking mga kamay ang pagsulat ng mga salitang nanganganak nang nanganganak sa aking isipan, at ‘yong sa loob lamang ng dalawang oras ay tapos ko na ang isang maikling kuwento.

Kakaiba ito para sa akin dahil mahilig ako magsulat at nasanay na magsulat lamang sa Ingles o, paminsan-minsan, sa Filipino. Mas masarap pala magsulat sa sariling wika. Mas tumitingkad ang bawat diyalogo, nagiging makulay at makatotohonan ang mga pangyayari, at buhay na buhay ang mga karakter dahil siguro ay mas may ugnayan ako sa kanila dala ng pakiramdam kong parang kasama ko sila sa aking araw-araw na pamumuhay, mula pagkabata hanggang ngayon.

Mula noon, nakita ko ang kagandahan ng pagsusulat sa ating sariling wika. Naintindihan ko kung ano ang ibig sabihin ni Dr. Leoncio P. Deriada na mas mainam gamitin ang sariling wika sa pagsusulat. Matagal ko na itong narinig sa kaniya pero hindi ko pa nasubukang gawin at noong una akong nagsulat sa Kinaray-a, biglang naging malinaw ang lahat ng ibig niyang sabihin.

 

Sino-sino naman ang kakontemporaneo mo sa pagsusulat sa Kinaray-a? At sino-sino ang mga hinahangaan mo dahil sa ambag nila sa paglago ng Panitikang Kinaray-a?

Ang una-unang kilalanin na manunulat na may malaking ambag sa paglago ng Kinaray-a ay ang aming presidente at founder ng DK na si Ritchie D. Pagunsan dahil ang kaniyang bisyon na palaguin ang Kinaray-a ang nagpalaganap ng paggamit ng wikang ito at nagpakilala ng Panitikang Kinaray-a hindi lamang sa ating bansa kundi pati na sa buong mundo.

Marami namang manunulat na Karay-a pero karamihan sa kanila ay nagsulat gamit ang ibang wika. Meron ding patuloy na nagsusulat sa Kinaray-a ngunit, dahil sila ay nag-iisa, hindi masyadong nararamdaman ang kanilang mga akda at pagsisikap.  Kung kaya, hindi natin mapagkaila na malaki ang naambag ni Pagunsan sa paglago ng Panitikang Kinaray-a dahil tinipon niya ang mga Karay-a na may kapareho niyang layunin.

Maliban kay Pagunsan, ang mga tumanggap ng hamon ng DK ang maituturing kong kakontemporaneo ko sa pagsusulat sa Kinaray-a. Manunulat sila sa Kinaray-a na walang sawang humahabi ng mga kuwentong nagpapakilala ng kultura, tradisyon, paniniwala, at saloobin ng mga Karay-a sa buong mundo. Nag-ambag-ambag kami ng kuro-kuro, paniniwala, karanasan, at kadalubhasaan upang mabuo ang aming misyon, bisyon, at mga hangarin na naging gabay namin sa aming araw-araw na gawain sa DK.

 

Ano-ano ang matitingkad mong karanasan sa Panitikang Kinaray-a?

Halos sampung taon pa lang ang aking karanasan sa Panitikang Kinaray-a at nagsimula ito noong inumpisahan nga namin ang DK, pero masasabi kong napakalalim na ng pinagdaanan ko dahil pinag-uusapan, sinusuri, at pinag-aaralan namin ito sa DK halos araw-araw. Kaya isa sa pinakamatingkad kong karanasan sa Panitikang Kinaray-a ang makapagbuo ng alituntuning panggramatika at pang-ortograpiya na sa tingin ko’y magagawa lamang nang wasto at angkop ng isang taong babad sa wikang ito.

Isa rin sa pinakamatingkad kong karanasan ay noong nagkaroon kami ng Pista Mitolohiya sa DK kung saan napili kong isulat ang mga kuwento na tamawo ang mga karakter. Malinaw ang karanasan ko sa mga tamawo dahil noong aking kabataan, namalagi ako sa lugar ng tatay ko na kitang-kita sa bintana ng aming silid ang malaking puno ng bobog, ang pinaniwalaang bahay ng mga tamawo. Para sa akin, parang kapitbahay, kaibigan, at kamag-anak ko na ang mga tamawo. Kailanma’y di ko sila itinuring na iba sa akin kahit na di ko sila nakikita. Dahil dito, lunas sa aking pananabik sa mga kuwento ang pagsulat tungkol sa mga tamawo.

 

13553225_10209245494471509_972650200_n

 

At mababasa nga natin ang tungkol sa mga tamawo sa bago mong libro, Ang mga Istorya ni Tamawina. Tungkol saan ito at saan ito available para sa mga interesadong magbasa?

Ang mga Istorya ni Tamawina ay koleksiyon ng aking maiikling kuwento na nailathala na sa DK website. Kalahati nito ay may mga tamawo na karakter at ang kalahati naman ay mga tao. Pag-ibig ang tema ng karamihan sa aking mga kuwento – pagmamahalan ng tamawo sa tamawo, tamawo sa tao, at tao sa tao. Pinagsama-sama ko ang mga ito at ginawang kuwento ni Tamawina, ang prinsesa ng mga tamawo na kathang-isip ko lamang ngunit binabalak kong maging importanteng tagalahad ng mga kuwentong aking isinulat at susulatin pa. Marahil, balang araw, mabuo ko na rin ang talambuhay ni Tamawina at maging isang libro rin ito.

Limitado lamang ang mga paunang kopyang aming nailimbag kaya sold out na ito sa ngayon.  Ngunit sa mga gustong magkaroon ng kopya, mabibili ito sa Amazon.

 

Gusto nga ng Dungug Kinaray-a na hikayatin ang iba pa na magsulat sa Kinaray-a. At isang paraan ninyo ang regular na patimpalak sa pagsulat. Tungkol saan ito?

Noong 2007 pagsulat ng maikling kuwento na bukas ang tema ang pinakauna naming patimpalak. Naging matagumpay ito kung kaya’t ginawa namin itong taunan at mayroong tiyak na tema, at minsa’y may kasamang interpretasyon at pagtalumpati.

Unti-unti naming dinagdagan ang mga kategorya. Mula sa maikling kuwento, idinagdag namin ang kuwentong pambata, tula, at ang pinakahuli ang pagsulat ng kanta o awitin. Isa sa importanteng bunga ng pakontes na ito ay ang paglathala namin, taon-taon, ng mga antolohiya ng mga piling akda.

Ngayong taon, sa pagdiriwang ng aming ikasampung taon, mananatili pa rin ang apat na mga kategoryang binanggit ko kanina at ang tema para sa awitin ay daigun. Magkakaroon din kami ng Dungganun nga Karay-a Award, ang pagpili sa isang Karay-a na malaki at mahalaga ang naiambag sa wikang Kinaray-a.

 

12294718_1077945268916977_2713300720700232897_n

 

Nagsilbi ka ring editor ng ilang librong inilabas ng Dungug Kinaray-a. Karamihan ng mga ito ay isinulat ng mga kabataan. Ano ang napapansin mo sa paraan nila ng pagsusulat?

Malaya, malalim, mapangahas, at puno ng pag-asa kung mag-isip at magsulat ang mga kabataan ngayon. Káya ng mga kabataang Karay-a na ipahayag ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng kanilang akda kahit hindi ito ordinaryo o kanais-nais, at pilit nilang inaarok ang kasulok-sulukan ng isipan ng bawat karakter na kung minsan ay hindi pangkaraniwang naiisip, at kung maisipan man ay hindi basta-bastang mailalahad dahil ito ay kakaiba.

Bukod-tangi namang lumilitaw ang tema ng pag-asa. Halos lahat ng mga nabasa kong isinulat ng mga kabataan ay laging puno ng pag-asa o laging nagtatapos sa tagumpay kahit na anumang hirap ang pinagdaraanan. Marahil ganito mag-isip ang mga kabataang Karay-a at marahil ito rin ay nagpapahiwatig na magiging maganda ang ating kinabukasan dahil ang mga taong maging bahagi nito ay naghahangad ng tagumpay.

Kapansin-pansin lang ang paggamit nila ng Kinaray-a dahil kadalasa’y nahahaluan na ito ng mga salitang Tagalog, na sa tingin ko ay bunga ng pag-aaral ng asignaturang Filipino at ang malawakang impluwensiya ng telebisyon, radyo, babasahin, at social media.

Dahil din sa mga gawaing inumpisahan ng DK, unti-unting natuto ang mga kabataang manunulat sa Kinaray-a na intindihin ang aming kultura, hangaan ang mga akdang Kinaray-a, at ipagmalaki ang sariling wika.

 

Ano ang maipapayo mo sa mga kabataang nagsusulat sa Kinaray-a?

Magsulat nang magsulat at huwag munang alalahanin ang gramatika at pagbaybay. Mahalagang maisusulat muna nila ang mga kuwentong nais nilang ibahagi dahil alam kong marami pa silang mahalagang saloobin at nakakaaliw na kuwento na dapat mailahad upang pagyamanin ang ating kultura at panitikan. Habang ang mga dalubhasa at mga taong akademiko ay abala sa paggawa ng ortograpiya at batayan sa pagsulat, mas mainam na ang mga kabataan ay patuloy lamang na magsulat at ipaubaya na muna sa mga editor ang pagsasaayos ng balarila.

Hindi ibig sabihin nito na pabayaan na nila ang ortograpiyang Kinaray-a. Dapat din na makilahok sila sa mga usapin ukol dito lalo pa’t may bitbit silang karanasan na maaaring makatulong sa gawaing ito; aralin ang mga nabubuong gabay at batayan sa pagsulat sa Kinaray-a; at higit sa lahat, kailangan din nilang magbasa nang magbasa ng mga kuwento at akdang Kinaray-a nang sa gayon ay mapabuti nila ang kanilang kakayahan sa pagsulat sa wikang Kinaray-a.

 

13570280_10209245475831043_956182105_o

 

Sa kasalukuyan, paano sa tingin mo nakapag-aambag sa Pambansang Panitikan ang mga ginagawa ng Dungug Kinaray-a?

Hindi maipagkaila na ang DK ang nagpakilala ng wikang Kinaray-a sa mundo ng Pambansang Panitikan. Bago pa kami makipag-ugnayan sa aming mga kapilas sa ibang rehiyon at sumali sa mga samahan at gawain sa Metro Manila, isa ang Kinaray-a sa mga wika sa bansa na walang ganoong naiambag sa Pambansang Panitikan.  Nang sinimulan namin ang aming website, pagdalo sa mga mahalagang gawaing pampanitikan, pakikipag-ugnayan sa mga literati, at paglathala ng aming mga patimpalak sa mga pahayagan at social media, unti-unting nakilala ang wikang Kinaray-a. Mula noon, nakilala ito bilang isang mahalagang wika sa bansa at tagaambag sa Pambansang Panitikan.

Bukod dito, ang ibang Karay-a na dati-rati’y nagsusulat gamit ang wikang banyaga, nagsimula na ring mag-ambag ng kanilang kakayahan, dunong, at impluwensiya gamit ang wikang Kinaray-a. Lumawak din ang reading literacy dala ng pagsusumikap ng DK na maabot ang mga tao sa liblib at malalayong pook na ngayo’y nagsumikap nang magbasa dahil ang mga kuwento ay nakasulat sa kanilang sariling wika.

 

Sunod-sunod ang labas ng mga libro ng DK nitong mga nakaraang taon. Sampung taon mula ngayon, saan ito sa palagay mo papunta?

Sampung taon mula ngayon, hindi malayong maging isang awtoridad sa wikang Kinaray-a ang DK, lalo pa’t sa panahong iyon marahil ay laganap na ang paggamit ng komprehensibong ortograpiyang Kinaray-a na aming binubuo ngayon. Marahil, mayroon na rin kaming makabuluhang dami ng mga natuklasan at naalagaang manunulat sa Kinaray-a na magbibigay dangal sa wikang ito, hindi lamang dito sa ating bansa kundi pati na rin sa buong mundo.

Nais ko ring makita na hindi lamang DK ang nagkukumahog na magpayaman at magpalago ng wikang Kinaray-a sa pamamagitan ng paglimbag ng mga librong Kinaray-a, kundi pati na rin ang iba pang mga Karay-a at mga samahang pampanitikan sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon, bansa, at mundo. Hangad ko na, sa malapit na hinaharap, maging madali na para sa mga Karay-a ang pagkuha ng mga libro ng Panitikang Kinaray-a.

*

Si Noel Galon de Leon ay guro sa Unibersidad ng San Agustin sa Iloilo. Nagtuturo siya ng Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino sa Senior High School, Basic Education Department ng nasabing unibersidad. Marami sa kaniyang mga panayam sa mga manunulat ng Kanlurang Visayas ay mababasa sa Kalatas: Philippine Literature, Culture, and Ideas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Siya ang awtor ng aklat pambatang Sanday Tay Alib kag Tay Amar (Kasingkasing Press, 2014). Maari siyang kontakin sa ngalon@usa.edu.ph.