Panitikang Pambata sa Filipinas: 2000-2013

Binubuksan ni Eugene Y. Evasco ang talakayan tungkol sa panitikang pambata sa Filipinas sa aklat na Bumasa at Lumaya 2 ng isang paglalahad ng mga naging paratang sa industriya – hot pandesal mentality, masyadong wholesome, at kulang sa orihinalidad. Bagaman naiitindihan niya ang mga paratang na ito, inilalahad niya sa buong artikulo na marami nang naging “sagot” sa mga ito mula noong 2000 hanggang 2013.

Inilathala ng Anvil Publishing House ngayong taon, proyekto ng Philippine Board on Books for Young People ang Bumasa at Lumaya 2 upang magbigay ng mas napapanahong sanggunian tungkol sa panitikang pambata sa bansa. Simula kahapon hanggang sa ika-23, ang araw na ilulunsad ito sa Xavier School, San Juan, itatampok ng isang grupo ng mga blogger ang aklat na ito.

 

BL2 Blog Tour Banner

 

Komprehensibong Tala

Mainam na nagsimula ang Bumasa at Lumaya 2 sa isang pagsasakasaysayan ng panitikang pambata sa bansa dahil nabibigyan nito ng konteksto ang iba pang artikulo sa aklat. Ang nakatutuwa sa artikulong ito ay ang pagiging masaklaw ng mga idinidiin nitong mga paksa, tulad ng pag-usbong ng mga hindi tradisyonal na anyo ng mga aklat, radikal o hindi kumbensiyonal na paksa ng mga akda, pagsasalin, mga patimpalak at gawad sa paglikha ng mga akdang pambata, at kritisismo.

Mainam ding basahin ang nauna sanaysay ni Evasco na “Sitwasyon ng Panitikang Pambata sa Filipinas (2012-2013)” upang matingnan pa ang ibang nangyari sa mga larangang hindi nabanggit sa artikulo.

 

Bumasa at Lumaya

 

Paglikha Mula sa Rehiyon

Dahil sinusuportahan ko talaga ang paglikha ng mga aklat pambata sa iba’t ibang rehiyon sa Filipinas, natutuwa ako sa bahagi ng artikulo na inisa-isa ang mga nangyayari sa mga rehiyon labas ng Kamaynilaan. Sa pagbibigay ng espasyo sa paksang ito, nahihikayat ang pagpapatuloy at pagdami pa ng mga katulad na gawain.

Mapapansin lamang na hindi na tinatalakay pa ang usaping ito labas ng artikulo ni Evasco, maliban siguro sa panaka-nakang pagbanggit na hinihikayat ang paglalathala mula sa mga rehiyon. Umaasa akong lumago pa ang paglikha mula sa mga rehiyon at magkaroon sana sa susunod na edisyon ng Bumasa at Lumaya ng hiwalay na artikulo tungkol dito.

 *
Mula ang larawan ng aklat sa PBBY Facebook page.

Mga Aklat para sa Batang Lumad

EugeneIbinabahagi natin ang artikulo ni Dr. Eugene Y. Evasco tungkol sa tatlong aklat pambatang inilimbag ng Save the Children para sa mga batang Lumad. Unang lumabas ito sa regular na kolum ni Dr. Evasco na “Buklat/Mulat” sa magasing Liwayway.

 

*

Malaking tulong ang mga aklat na lathala ng mga non-government organization upang punan ang pagkukulang ng mainstream at komersiyal na paglalathala na ang pangunahing market ay mga batang mula sa panggitnang uri at nakatira sa mga urban sa lugar sa Kalakhang Maynila at iba pang pangunahing lungsod sa bansa. Pokus ng pagpapahalaga ngayon ay ang tatlong aklat pambata na proyekto at inilathala ng Save the Children International. Ito ang nangungunang independent na organisasyon para sa bata na naglilingkod sa 120 bansa. Layunin ng samahan na “sagipin ang buhay ng mga bata; ipagtanggol ang kanilang mga karapatan; at tulungan silang matamo ang kanilang potensiyal.”

 

Tboli

 

Tinatawag na First Read (Manguna sa Unang Pagbasa) ang proyektong ito ng nasabing organisasyon, sa tulong ng Prudence Foundation. Naglalayon itong pagbutihin ang literasi at numerasi (o literasing pangmatematika) para sa mga batang edad 0-4 sa Metro Manila at sa South Central Mindanao.

Pinamagatang Kmô Ktool Lieg Mimet, I Ktagah Abuh, at Pangapog ang tatlong aklat na nalathala noong 2014. Nagsilbing patnugot sa proyekto si Michael Jude C. Tumamac (na kilalang Xi Zuq sa mga lathala niyang aklat pambata). May lakip itong salin sa Filipino sa huling spread ng aklat bilang tulong sa mga hindi nakakaunawa sa pangunahing wika ng aklat. Bawat aklat ay may laan ding impormasyon sa paratext (huling bahagi ng kuwento) kaugnay sa tampok na paksaing kultural—ang pagluluto ng abuh ng mga Blaan, ang kuwintas na mimet ng mga Tboli, at ang pagdiriwang ng mga Tagakaolo ng pangapog o ang pasasalamat sa masaganang ani. Ito ang elementong non-fiction na katangian ng mga aklat pambatang naratibo sa Pilipinas. Makatutulong ito upang maipaliwanag ang konteksto ng mga kuwento.

 

IMG_5550

 

Kapuri-puri ang mga paksang napili ng bawat aklat dahil malapit ito sa kultura at karanasan ng mga batang lumad. Mahalaga ang pagpili ng pamilyar na karanasan para sa edad 0-4 upang higit na makilala ng mambabasa ang kanilang sarili at paligid. At sa pagkakakilalang ito, higit na mapagtitibay ang pagmamalaki ng bata sa kaniyang sariling tradisyon at kultura.

Kadalasang paksain ng mga aklat para sa mambabasang nasabi nasabing edad ay ang konsepto ng alpabeto, numero, kulay, tunog, araw, panahon, hugis, pamilya, at pamayanan. Idagdag pa rito ang pagpapakilala ng mga bagay at salita na kadalasang makikita sa kaniyang paligid.

Sa Pilipinas, bibihira ang mga aklat na tumutugon sa pangangailangan ng nasabing edad. Sa palagay ng mga manunulat, masyadong payak ang ganitong larangan ng pagsulat. Paano lalahukan ng pagkapanitikan ang babasahin para sa murang edad? Paano pagaganahin ang pagkamalikhain para sa mga nagsisimulang mambabasa? Mga banyagang aklat ang kadalasang ginagamit o kaya’y umaasa na lamang sa materyales na ihahandog ng guro sa loob ng silid-aralan. Kailangang pasalamatan ang proyektong ito at sana’y simula pa lamang ito ng makabuluhang paglalathala.

 

Tagakaolo

 

Computer-aided o digital ang mga likhang-sining sa lahat ng aklat. Kapansin-pansin ang pagtatampok ng katutubong habi ng bawat kultura sa mga title page. Gayong nakinabang ang ilustrador na si Mark Lawrence Andres sa abanteng teknolohiya, hindi pa rin nawala ang mga detalyeng pangkatutubo sa kaniyang mga guhit. Detalyado at autentiko ang pagkakalarawan sa mga kasuotan, halaman, pananim, kapaligiran, at iba pang materyal na kultura ng bawat etnolinggwistikong grupo. Sumailalim sa pananaliksik, testing, at balidasyon ang mga guhit at kuwento sa aklat. Dahil dito, naging sensitibo’t maingat ang mga manlilikha sa kanilang target audience.

Payak ang daloy ng banghay sa mga aklat. Madali itong masundan sa paggamit ng limitadong bilang ng pangungusap (pinakamarami na ang dalawang pangungusap sa bawat spread). Magaan sa mata ang laki ng font at hindi siksik sa teksto ang bawat pahina.

May taglay na konsepto ang bawat aklat na mahalaga sa pag-unlad ng mambabasa. Sa Pangapog, naipakilala sa mambabasa ang proseso ng pagluluto ng mga Tagakaolo ng lolob (ang kakanin sa loob ng bumbong ng kawayan), ang pagpapakilala sa pagdiriwang pagkaraan ng pag-ani, at ang halaga ng pagtutulungan sa pamilya.

 

IMG_5594

 

Sa Kmô Ktool Lieg Mimet, naitampok ang sining ng paggawa ng palamuting kuwintas, ang halaga ang ugnayang magulang sa anak, at ang konsepto ng mga hugis at kulay sa tradisyonal na kagamitang Tboli.

At sa aklat namang I Ktagah Abuh, bukod sa pagpapatibay ng ugnayang pampamilya, ipinapakilala sa bata ang tradisyon ng Blaan sa paghahanda at pagluluto ng abuh mula sa dahon ng gabi, na waring laing ng mga Bikol ngunit walang gata.

Inaasahang makatutulong ang mga aklat sa pagpapaunlad ng karakter o pagkatao gaya ng pagtutulungan sa loob ng tahanan; ang positibong asal kaugnay sa paggawa at paglikha; at ang kaalamang panlipunan gaya ng gawaing pampamilya at pampamayanan. Ilahok pa rito ang pagpapayaman ng bokabolaryo, pag-aangat ng literasi, pagpapainam ng konsentrasyon sa mambabasa, at ang paghahanda sa mambabasa sa kanilang pagtuntong sa mas mataas na antas ng pag-aaral.

 

Blaan

Bilang mambabasang tagalabas, pinasilip ako sa kultura ng kababayan nating taga-Timog Mindanao. Bagamat magkaiba ang pinag-ugatan ko sa mga lumad, pinagbibigkis naman kami ng kulturang nakaangkla sa kalikasan. Kapwa kami nakinabang sa mga biyayang handog ng palay at ng mga halamang-ugat. Nakilala ko ang kanilang sining, ang kanilang tradisyon sa pag-ani, at ang pang-araw-araw na pamumuhay. Napagtatanto kong napakayaman ng karanasan ng bansa at marami pang hindi naisusulat at naikukuwento.

Pinakatagumpay ng mga aklat na mapunan ang pagkukulang sa mga babasahin para sa edad 0-4 at sa aklat na sadyang isinulat para sa mga batang lumad. Libre itong ipinamamahagi sa mga komunidad kaya hindi usapin na hindi ito nakararating sa karapat-dapat na mambabasa. Dahil sa sariling kultura ang tampok sa aklat, makatutulong ito upang makilala at maipagmalaki ng bata ang pinag-ugatan. Sana’y sa kanilang pagtanda, maging tagapagtanggol sila ng kanilang tradisyon. Hindi banyaga sa kanila ang mga imahen at konsepto. Nasusulat ito pa ito sa kanilang wika na nakatutulong upang mapalawak ang saklaw at potensiyal ng panitikang pambata sa Pilipinas.

 

IMG_5569

 

Bilang pagtatapos, nais kong ibahagi ang ulat ni Carina Storrs ng CNN (Peb. 2016) tungkol sa halaga ng pagbabasa ng magulang sa kanilang mga anak na tatlo hanggang limang taong gulang. Sang-ayon sa ulat na isinagawa ng Reading and Literacy Discovery Center ng Cincinnati Children’s Hospital, higit na aktibo ang kaliwang bahagi ng utak ng mga batang binabasahan o nagbabasa ng mga aklat. Ginamit sa pagsusuring ito (brain scan) ang functional magnetic resonance imagery (fMRI). Siyensiya na ang nagsasabi at nagpapatunay na may positibong epekto ng pagbabasa sa pag-unlad ng tao kaugnay sa mga salita at gunita. Sa bandang huli ng ulat, ipinapayo ng The American Academy of Pediatrics na simulan na ang pagbabasa at pagkukuwento sa mga bata sa oras ng kanilang kapanganakan.

Nawa’y tularan ng ibang organisasyon at tagapaglathala ang pangunguna ng Save the Children sa mga unang pagbasa o babasahin ng mga bata sa iba’t ibang dako ng bansa. Kailangan nating mamuhunan sa mga bata kung nais nating makalikha ng pagbabago sa ating lipunan.

*

Karapatang ari 2014 © ng Save the Children ang mga halimbawang pahina.

Sanday Tay Alib kag Tay Amar

Mula ang artikulong ito sa pitak ni Eugene Y. Evasco na “Buklat/Mulat” sa magasing Liwayway.

*

May kapangyarihan ang mga aklat pambata na maghain ng bagong pananaw sa konsepto ng pag-ibig at pamilya. Ito ang pinakatagumpay ni Noel G. de Leon sa aklat pambata niyang Sanday Tay Alib kag Tay Amar (Sina Tay Alib at Tay Amar, 2015) na may mga guhit ni Marrz Capanang. Malaon nang naging ahente ng tradisyonal na konsepto ng pamilya ang panitikang pambata. Sa mga pinakasimpleng kuwento hanggang sa panitikang-bayan, naitatampok ang tahanang binubuo ng tatay, nanay, at mga anak. Sa bisa ng mga babasahing ito, napagtitibay ang heteronormatibong konsepto ng pamilya. Kaya kapag ipinaguguhit sa bata ang kanilang ideya ng pamilya o ng tahanan, ang mga imahen sa mga nabasang aklat ang kanilang nalilikha.

`

cropped-11031142_1054903547858144_1300258024_o-e1447761995212.jpg

`

Sa kasalukuyang paglalathala, mayroong mga aklat pambata na naglalatag ng ibang kaayusan at karanasang pampamilya. May tumalakay na sa mag-asawang hiwalay at kung paano tinanggap ang realidad na iyon ng mga bata; may tumalakay sa pagiging single parent at sa pagiging anak sa labas; may nagtampok naman sa pagiging ampon ng pamilya o sa paglaki naman sa isang bahay ampunan. May aklat na ring nagtatampok ng isang bata na pinalaki ng kaniyang mga lola. Marapat ding banggitin ang Ang Ikaklit sa Aming Hardin (2012) na nagpapakita ng mapagkalingang lesbianang magulang. Sa aking palagay, magkaugnay ang kuwentong ito sa layunin at sa tagumpay.

Sa aklat na ito, dalawang lalaki ang magulang ng batang tagapagsalaysay. Kakaiba sa mga naunang aklat, walang lantad na tunggalian ang kuwento ni de Leon. Walang mga dramatikong eksena na ang bata’y naiipit sa kaniyang sitwasyon, sang-ayon sa mga itinakda ng lipunan. Walang mga komprontasyon at panunukso ng mga bata buhat sa tradisyonal na uri ng pamilya. Nasa ideal na lipunan ang lunan ng aklat. Walang bullying sa batang anak ng dalawang lalaki. Walang anumang galit o pagsasantabi mula sa pamayanan at mga institusyon gaya ng paaralan at simbahan. Mababakas ito sa isang spread ng aklat na nagsimba ang mag-anak sa Jaro Cathedral. Sa kuwento ng batang tauhan, dito daw unang nagtagpo ang kaniyang mga ama.

`

pp 5-18

`

Layunin ng aklat na itampok ang kakayahan ng mga homosekswal bilang mabuting magulang. Nanaig ang kasingkasing (puso) sa aklat. Bawat spread at pahina sa aklat ay pagbibigay-pugay sa mga amang sina Alib at Amar, mga pangalan buhat sa gulay (amargoso o ampalaya) at sa dahon ng alibhon na nakagagamot ng ubo. Ipinakilala ng bata ang kanilang tahanang ligid ng mga bulaklak. Dito pa lamang, kapuri-puri na ang pagiging magulang dahil sa paglalapit sa bata sa kalikasan. Simbolikal din ang mga bulaklak sa mabunga at makulay na pangangalaga ng buhay ng dalawang lalaki.

Walang banggit sa sekswalidad ng magulang. Maingat ang depiksiyon ng mga lalaki sa guhit. Walang estereotipo o de-kahong paglalarawan sa kabaklaan gaya ng ipinamamalas sa pelikula at telebisyon. Kung kaya, hindi dapat katakutan ng mga magulang, paaralan, at simbahan ang aklat.

Busog ang batang tauhan sa panitikang-bayan na laging kuwento sa kaniyang ng amang si Amar. Naikuwento sa kaniya ang mga pakikipagsapalaran ni Datu Marikudo at ang bayani ng epikong Panay na si Humdapnon. Bukod sa patas na hatian sa trabaho, ipinakilala rin sa bata ang mga mainam na pagpapanatili ng tahanan—pagluluto, paglilinis, paglalaba, pagpapalamuti. Maliban sa pagiging edukasyonal ng bahaging ito, naipamamalas sa mga mambabasa, sa mahinahong pamamaraan, ang kakayahan ng dalawang lalaki na mapagtaguyod at magpanatili ng mainam na tahanan para sa bata.

Pagtatampok sa mga pangkulturang icon ang nakikita ko pang kabuluhan ng aklat. Ipinakilala rito ang mga tauhan ng panitikang-bayan, ang katedral sa Jaro, mga halamang gamot, at saka ang pagkaing queen siopao at lutuin gaya ng “ginlutik nga kalabasa, pinaksyo nga bilongbilong, sinugba nga bangrus, kay adobo nga balatong.” Pinagyayaman nito ang karanasang kultural ng mga bata at nagbibigay ito ng ugat at katutubong kulay (local color) sa teksto. Mahalaga ang ganitong gawain sa panulat upang magkaroon ng kaakukan o identidad ng teksto. Hindi kailangang laging maging unibersal ang kathang susulatin upang makapang-akit ng mas maraming mambabasa.

`

pp 11-12

`

Akma ang mga guhit sa nilalaman ng kuwento. May pagkakatutubo (folksy) ang estilo dahil na rin sa ideal na lunan at sitwasyon ng katha. Tila maliliit na kuwadro ng pintura ang mga ilustrasyon. Bakas sa ilustrasyon ni Capanang ang detalyado at masinsing pagguhit at pagkulay. Mapapansin ito sa likha niya sa mga damo, sa mga bulaklak, at maging sa ulap at kabukiran. Litaw ang saliksik niya sa mga guhit ng mga tauhan sa panitikang-bayan. Kapansin-pansin ang dedikasyon sa pag-ukol niya ng panahon sa disenyo ng kasuotan sa at mga gamit pandigma. Maaalala ang estilo nina Albert Gamos (Si Pandakotyong) at Ruben de Jesus (Ang Mahiyaing Manok at Alamat ng Lamok) sa mga guhit sa aklat.

Maaliwalas sa mata ang ginamit na font. Maraming white space sa aklat kaya magaan sa mata at madaling basahin. Malinis ang disenyo ng aklat. Hindi text-heavy at mainam itong gamiting storytelling sa klase at sa tahanan.

Nakalulugod ding nasa wikang Hiligaynon ang aklat at walang salin sa Ingles at Filipino. Panahon na upang pagyamanin ang aklat pambata sa rehiyon. Hindi dapat maging sentro lamang ng paglalathala at mga malikhaing gawain ang Kalakhang Maynila. Kailangan ng mga palimbagan gaya ng Kasingkasing Press at ng suporta ng mambabasa sa bawat rehiyon at lalawigan ng bansa upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga batang mambabasa.

`

pp 17-6.jpg

`

Nawa’y maging simula ito ng mayamang produksiyon ng mga aklat pambata sa iba’t ibang wika at kultura ng ating bansa. Nawa’y makahikayat din ang aklat na ito na patuloy na maghapag ng positibo at mapagpalayang imahinasyon kaugnay sa mga homosekswal ng lipunang Filipino. Nawa’y ang mga aklat pambata ay makatulong upang igalang ang maraming uri ng pamilya at pag-ibig. At iyan ang kailangang taglay ng ating kasingkasing.