Sina Jamin at Kiara

JT

Binasa ni John Toledo ang Jamin, Ang Batang Manggagawa at ‘Nay, ‘Tay, Itim na po ang Dagat, dalawa sa aklat pambatang nailathala sa bansa na malinaw na tumatalakay sa kinakaharap nating mga isyung panlipunan.

Kasalukuyang nagtuturo ng wika at panitikan sa Ingles si John Toledo sa isang progresibong paaralan sa Lungsod Quezon. Gradwadong mag-aaral din siya ng panitikan sa Kolehiyo ng Arte at Literatura sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

*

Ilang taon na rin ang nakalilipas nang sabihin ng isang kritiko na “wholesome” daw ang panitikang pambata sa bansa. Hindi ako sumasang-ayon dito. Tulad ng ibang anyong pampanitikan, patuloy na umaangkop ang panitikang pambata at nakikiagapay sa mga isyung nararanasan ng mga bata.

Patunay dito ang dalawang kuwentong pambata na inilathala ng Southern Voices Printing Press – Jamin, ang Batang Manggagawa (2011) na nilikha ng SALINLAHI Alliance for Children’s Concerns at ‘Nay ‘Tay, Itim na po ang Dagat (2013) na isinulat at iginuhit ni John Paul Clemente. Tunguhin ng mga kuwentong ito na pukawin ang politikal na paninindigan ng mga mambabasa upang kumilos para baguhin ang lipunan.

 

Pic1

 

Si Jamin

Tagasalin ng abono at tagatahi ng sako si Jamin ng Mindanao sa aklat na Jamin, ang Batang Manggagawa. Tuwing gabi, kayod-kabayo si Jamin at ang kaklaseng si Oliver, na tagabuhat naman. Nararanasan pa nilang maltratuhin ng kanilang malupit na bantay. Hindi rin maayos ang kondisyon sa kanilang pagawaan, kaya natahi ang isang daliri ni Jamin.

Tulad nina Jamin at Oliver ang napakaraming batang maralita na napipilitang magtrabaho sa murang edad. Pansinin, halimbawa, ang mga namamalimos na mga bata sa highway ng EDSA, ang mga batang Sama (na mas kilala natin bilang Badjao) na araw-araw na nagtatambol sa loob ng dyip, at ang mga mangangalakal ng basura sa dumpsite ng Tondo.

Pinatutunayan ng akdang ito na hindi hiwalay ang karanasan ng bata sa karanasan ng matatanda. Ipinapakita rito na may mga bata sa ating bayan ang kasama sa mga kontraktuwal na manggagawang nagtitiis sa kakarampot na sahod upang makaraos sa buhay. Nangahas harapin ng kuwento ang katotohanan na hindi lahat ng bata sa ating bayan ay natutugunan ang mga pangangailangan at karapatan, at na nararanasan din nila ang tunggalian ng mga uri.

 

Pic2

 

Si Kiara

Tungkol naman sa pananamantala ng isang mining company sa Rapu-Rapu, Albay, ang isyung isinisiwalat ng ‘Nay ‘Tay, Itim Na Po Ang Dagat. Sa aklat, nanaginip ang batang si Kiara na naglakbay siya sa karagatan at kagubatan kasama ang mga kaibigang nilalang. Naantala ito nang ibinalitang may darating na halimaw, at nagising si Kiara na winawasak ng halimaw ang gubat. Pagkapunta niya sa tabing-dagat, nagkukumpulan ang mga tao sa mga patay na hayop. Nakita rin niya ang kinalbong gubat. Dahil sa mga ito, nagpasiyang magsagawa ng rally ang komunidad upang labanan ang “dambuhalang halimaw.”

Hayag na ipinapakita si Kiara bilang modelo ng mga batang may malasakit sa kalikasan. Nakapanlulumong isipin na sa panaginip lamang niya nakikitang buhay ang iba pang nilalang sa kalikasan dahil na rin sa pagsira ng mga mining company sa kanilang kapaligiran. Matapang na ipinapakita ng kuwento ang pagtuligsa sa operasyon ng mga kompanya sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng komunidad.

 

Pic 3

 

Kay rami pa ng mga ganitong kuwento na hindi pa naitatampok sa mga akdang pambata. Ipinahahayag ng mga ito na pag-asa para sa mga bata na baguhin ang mundo. Dahil hitik sa isyung panlipunan, maaaring pagsimulan ng mga guro at bata ang mga kuwentong ito ng talakayan tungkol sa sitwasyon ng kahirapan, pang-aalipin, at pananamantala sa lipunang Filipino.

Namumunga rin ng maraming tanong ang pagbabasa ng mga ito. Paano kaya halimbawa kung nabasa ito ng mga bata sa lungsod at nayon? Pupunta kaya sila sa mga pagawaan na may batang manggagawa tulad ni Jamin? Makikipamuhay rin kaya sila sa mga pamayanan sa tabi ng dagat tulad ni Kiara? Tanging karanasan at paggabay ng guro’t pamilya ang magtuturo nito. Mula doon, saka lamang natin masasabi tulad ni Jamin na “kay sarap umuwi…” pagkatapos ng mahabang pakikibaka.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ERROR: si-captcha.php plugin: GD image support not detected in PHP!

Contact your web host and ask them to enable GD image support for PHP.

ERROR: si-captcha.php plugin: imagepng function not detected in PHP!

Contact your web host and ask them to enable imagepng for PHP.