Isang Harding Papel

sergio-bumatayMay guest reviewer na naman tayo ngayon. Si Sergio Bumatay III!

Isa siyang batikang ilustrador ng mga aklat pambata. Kasapi siya ng Ang Ilustrador ng Kabataan at nagkamit na ng maraming parangal, tulad ng Peter Pan Prize ng IBBY-Sweden at PBBY-Alcala Prize. Ilan sa mga libro niya ay Naku, Nakuu, Nakuuu!, Tuwing Sabado, Ay, Naku!, at Tight Times.

Binása niya ang aklat na Isang Harding Papel at tiningnan ang ilustrasyon nito. Narito ang kaniyang review.

 

Malaharding pabalat. Malikhaing paggamit ng medium. Epektibong composition at layout. Memorable imagery.

Ilan lang ito sa mga dahilan kung bakit ko nagustuhan ang mga illustrations ni Rommel Joson sa Isang Harding Papel, na kuwento ni Augie Rivera at inilimbag ng Adarna House (2014).

Isang-Harding-Papel

Una, makulay at punong-puno ng visual elements ang pabalat. Nakatutuwa dahil parang sinadyang magmukhang bulaklak at kabute ang mga ulo ng mga tao na naka-drawing dito. Waring kapag dumaan ka sa harding ito, magdadalawang isip ka kung alin ba sa mga ito ang mapipitas mo: ang mabango o ang may lason. O baka naman BAWAL pumitas.

May koneksiyon agad ang illustration sa subject ng kuwento — anong alaala o karanasan ang gusto mong baunin, ang mapapait ba o ang matatamis? Depende na lang sa ‘yong pananaw.

Sa pabalat mo na din mapupuna ang malikhaing paggamit ng iba’t-ibang medium at technique ng ilustrador. Mayroong collage, acrylic, pencil, pastel, at siyempre mga papel. Namangha ako sa pag-angkop sa konsepto ng layering, lalo na ang nakapanibagong paggamit ng tracing paper sa ilang larawan para maipakita ang technique na ito. Ang mga larawan ay mukhang nagkapatong-patong at natatakpan ang ilang mga elemento.

IMG_20141103_110133IMG_20141103_110231

Malinaw na ang sinimbolo nito ay ang pagtago sa katotohanan, isa ring temang tinatalakay sa diwa ng EDSA. Nabigyan din ng kakaibang dimensiyon ang layering ng mga larawan. Ibig sabihin nito na may iba’t ibang dimensiyon ang kuwentong ito ng isang makasaysayang pangyayari.

Bilang isa ding ilustrador, alam kong mahirap punuin ng larawan sa pinakaepektibong paraan ang landscape na format. Dahil kakaiba nga ang espasyo ng layout, maraming bagay ang kailangang isaalang-alang sa isang pahina: ang paglalagyan ng mga teksto, ang pagkasyahin ang mga patuwid na tauhan, at ang gutter o ang hati ng pahina sa gitna. Sa Harding Papel, naging matagumpay ang illustrator sa pagsasama-sama ng lahat ng elemento. Mapapansing parang iisang larawan lang ang teksto at mga drawing sa isang pahina at hindi nagsasapawan.

IMG_20141103_110301Kung mayroon akong maaalala sa librong ito, ito ay ang napakalakas na imagery ng illustrations. Nakamit ito ng illustrations dahil sa kapayakan at pagkamalikhain ng paglalarawan.

Ilan sa mga paborito kong larawan ay ang pagdungaw ni Jenny sa bintana at ang pagganap niya bilang ikatlong kalachuchi. Nakapaloob sa mga larawang ito ang buod ng kuwento at ang mahika ng ilustrador.