Bernadette Neri

Header

Nagtapos ng MA Filipino: Malikhaing Pagsulat si Bernadette Villanueva Neri sa UP Diliman at BA Mass Communication major in Journalism sa UP Baguio. Kumakatha siya ng mga kuwentong pambata, sanaysay, dula, at maikling kuwentong lesbiyana (na binansagan niyang “naratibô” o naratibo ng mga tibô). Kasalukuyan siyang nagtuturo sa UP Diliman, kasabay ng pagkuha ng duktorado sa Malikhaing Pagsulat sa parehong paaralan. Kasama niya ngayon sa bahay ang limang muning na tulad niya’y mahilig din sa ikaklit at iba pang mga halaman.

Malugod niyang sinagot ang ilang tanong tungkol sa pagkatha at paglimbag ng Ang Ikaklit sa Aming Hardin.

Det NeriXZN: Magandang araw, Ms. Det!

Det: Miyaw-gandang araw din, Xi Zuq!

XZN: Maraming salamat po ulit sa pagpayag na gawin ang blog tour ng inyong aklat na Ang Ikaklit sa Aming Hardin.

Det: Nyek! Ako dapat ang magpasalamat lalo’t itinapat pa ninyo ito sa isa sa mga paborito kong okasyon kada taon, ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

XZN: Maaari ninyo pong bang ikuwento ang kuwento sa likod ng pagkakalikha ninyo ng Ang Ikaklit sa Aming Hardin?

Det: Isinulat ang kuwentong ito bilang bahagi ng aking tesis masteral sa Malikhaing Pagsulat na isang koleksiyon ng mga kuwentong lesbiyana (na binansagan kong “Naratibô”). Dito, tinatangka kong magtampok ng iba’t ibang imahen ng mga lesbiyana na labas sa karaniwan nang negatibo at pusikit na paglalarawan sa mga babaeng homoseksuwal. Isa sa mga prinoyekto kong itanghal ay ang kapasidad ng mga tibô na magmahal at bumuo ng pamilya.

Cover

Noong una, hindi naman talaga ito nakadisenyo para maging kuwentong pambata. Pinalad lamang akong makapasok sa (una’t huling) Tamaraw’s National Writeshop on Children’s Story noong Abril 2006. Sa palihang iyon ko narinig ang mga beteranong manunulat para sa bata na sina Dr. Eugene Evasco, Prop. Heidi Abad, Prop. Lalaine Aquino, Dr. Luis “Tito Dok” Gatmaitan, at ang yumao nang si G. Winton Lou Ynion. Ang kanilang mga turo ang naging salalayan ko para mapagtantong ang pinakamainam na magsalita o magbigay ng testimonya hinggil sa pagiging magulang ng mga lesbiyana ay ang kanilang anak. At noon ngang Abril 2006, sa loob ng nabanggit na palihan, naisulat ko ang kuwento ni Ikaklit.

Launch

XZN: Bakit ninyo po piniling i-self publish ang aklat?

Sa totoo lang, hindi 2012 unang nailathala ang kuwentong “Ang Ikaklit sa Aming Hardin.” Napasama ito sa antolohiyang Bul-ol: The First Tamaraw Anthology of Short Stories for Children (2006) at sa LAGDA, ang opisyal na journal ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, noong 2009. Pero dahil may pagka-OC ako pagdating sa aking mga akda, hindi ako mapakali na hindi ito mailimbag-limbag sa disenyong naisip ko noong isinusulat ko ang kuwento— bilang picture book. Ibig sabihin kasi niyo’y hindi pa ito maa-appreciate basahin ng kalakhan ng mga batang nasa edad 12 pababa (dahil puro teksto lamang). Kung gayo’y hindi pa ito nakararating sa aking intended readers.

Inilapit ko ang kuwento sa mga publication house na kilala sa paglilimbag ng mga aklat-pambata, pero iyon nga, mukhang hindi pa sila handa. Kaya naman nagpasiya na akong mag-ipon at mag-self publish upang matugunan ang hinihiling na anyo (illustrated children’s book) ng kuwentong “Ang Ikaklit sa Aming Hardin.” Pero hindi naman ganoong kasimple ang lahat. Naisakatuparan ito dahil sa kurso ng anim na taon kong pag-iipon ay pinalad akong makatagpo ng mga taong tulad kong may pagmamahal sa kuwento ni Ikaklit, at handang magbahagi ng kanilang talento at panahon para maisakatuparan ang pagsasaaklat nito.

XZN: Paano ninyo po pinili ang mga magiging kasama ninyong tagapaglikha ng aklat? May mga kinaharap po kayong hamon sa paglilimbag at pamamahagi?

Det: Interesante ang naging proseso kung paano nagtagpo ang landas naming mga naging bahagi ng pagsasaaklat ng Ikaklit. Hindi ko sila pinili (wala akong gayong kapangyarihan). Nagkakilala kami sa magkakaibang konteksto at panahon. Pero hindi ito koinsidental o simpleng pagkakataon. Ang pagtatagpo namin ay usapin ng pagkilala sa isang partikular na pangangailangan (pagsasaaklat ng mga kuwentong katulad ng Ikaklit) at ng sari-sarili naming pasiya na ibahagi ang aming talento/kaalaman sa pagtugon sa pangangailangang iyon.

CJ de SilvaANG GUMUHIT. Napapanood ko lang noon si CJ de Silva sa telebisyon. Una bilang Little Ms. Philippines sa noon-time show na Eat Bulaga, hanggang sa maging tampok siya sa mga patalastas at nakilala bilang isa sa “Promil Kids.” Nagulat talaga ako nang makatanggap ako ng mensahe (sa Facebook) mula sa kaniya noong 2011, at ang pagboboluntaryo niya ng kaniyang talento.

JeniANG NAGSALIN. Propesyonal na translator o tagasalin si Jennifer “Ate Jeni” del Rosario-Malonzo. Journalism major siya sa UP College of Mass Communication, miyembro ng Amado V. Hernandez Resource Center (AVHRC), at ngayo’y manunulat siya sa IBON Databank Foundation. Paano ba naman niya ako papansinin, di ba? Buti na lang at kaibigan siya ng kaibigan kong si Siyawi. Higit pa sa pagsasalin ang kaniyang ginawa. Isinali niya sa proyekto ang kaniyang dalawang anak bilang “jenny” pigs (guinea pigs) upang malaman kung maiintindihan ba ng mga bata ang kaniyang salin.

Poti PadillaANG NAGDISENYO NG AKLAT. Bago ang Ikaklit, nakasama ko na si Jennifer “Ate Poti” Padilla Quintos sa iba pang aklat para sa bata (Disaster Busters: A Disaster Preparedness Activity Book, 2010, Filipino at Ingles) at kabataan (YOGHI Manga, 2009, isang Japanese comics tungkol sa karanasan ng mga “Ja-Pinoy” o Japanese-Filipino Children). Visual Communication major sa UP College of Fine Arts si Ate Poti at dati ring bahagi ng AVHRC. Free lance na layout artist siya ngayon. Nanay rin siya ng dalawang makukulit na bagets. At katulad ni Ate Jeni, tinest din niya kay Gab kung nagwo-work ang ginawa niyang disenyo ng mga pahina ng Ikaklit.

Spread 1

XZN: Bakit po sa tingin ninyo mahalagang maipakilala sa mga batang Filipino ang aklat na ito? May iba pa bo kayong proyektong may ganitong layunin?

Det: Naniniwala ako na kung nais nating maging malaya sa uri, gender sensitive, at homophobia-free ang lipunan sa hinaharap, dapat ay iminumulat natin sa gayong usapin ang mga bata ng kasalukuyan dahil sila ang bubuo sa hinaharap na iyon. Kaya naman napakahalaga ng pag-akda ng mga kuwentong nagsusulong ng pagkakapantay-pantay at ng pagpapabasa ng mga ito sa mga batang Filipino. Ang kuwentong Ikaklit ay isa sa mga munti kong ambag sa makabuluhang layuning iyon.

Spread 2

XZN: Ano po ang aasahan naming akdang pambata mula sa inyo sa hinaharap?

Det: Kasama ng ilang kaibigang may “panata” rin sa paglikha ng mga makabuluhang aklat-pambata, inaayos namin ngayon ang pagsasaaklat ng kuwentong pambatang “Atang sa Kaluluwa nina Apong Salawal at Apong Saya.” Tampok naman sa kuwentong ito ang pagbuwag sa konsepto ng mga estereotipo sa kasarian, at ang naratibo ay nakapaloob sa tradisyong Pilipino (partikular sa mga Ilokano) hinggil sa Undas, pangangaluluwa, atang, at iba pa.

*

Huwag kalimutang lumahok sa GIVEAWAY upang manalo ng signed copy ng aklat at DVD. Panoorin din ang video ng pagtalakay ni Bernadette Neri sa aklat.

Chanel EspadrillesDifferent Types of Mens Boots