Si Lola Apura at Si Lolo Un Momento

Ang búhay ng isang lolo at isang lolang mag-asawa na maraming pagkakaiba ang ibinibida sa bagong aklat ng Adarna House. Pinamagatang “Si Lola Apura at Si Lolo Un Momento” (2016), kuwento ito ni I.S.A. Valdez at may guhit ni Vanessa Tamayo.

 

Wall BG

 

Magkaibang Nagsasáma

Masasalamin pa lamang sa kanilang mga pangalan – Lola Apura (madali) at Lolo Un Momento (sandali lang) – ang pagkakaiba ng dalawang tauhan. Nakatutuwa ang pagpapangalang ito dahil hindi ba’t karamihan ng mga lolo at lola natin (hindi na marahil ng mga bata sa kasalukuyan) ang may pangalang Espanyol?

Ngunit sa kabila ng mga pagkakaiba, maayos na nagsasama ang mga tauhan. Ayon nga sa huling dalawang linya:

  • “magkaiba man sa kilos at itsura,
  • Palaging nagtutulungan at palaging masaya!”

 

Ang mga linyang ito ang bumubuod sa napakalinaw na daloy ng buong aklat. Tiyak na kapaki-pakinabang ang kalinawan ng temang ito sa pagtuturo ng mga salitang magkasalungat. Napakadali kasing makita ng mga mambabasa ang nais iparating ng aklat. Sa kabilang banda, ginagawa ng kalinawang ito na patag ang takbo ng buong salaysay.

 

Si-Lola-Apura2_large

 

Magaang Ilustrasyon

Hinuhuli ng minimal na ilustrasyon sa kabuoan ng aklat ang gaan ng salaysay. Madaling makita ang pagkakaiba, halimbawa, sa pangangatawan ng dalawang tauhan. May mga salungatan ding makikita sa espasyong ginagalawan ng mga tauhan, tulad ng layo at taas ng mga bagay.

Mayroon ding mga pasimpleng pagsingit ng mga nakatatawang bagay, tulad ng mga tinik ng isda sa pahinang inilalarawan ang kasabihang “Ang naglalakad nang matulin,/ kung matinik ay malalim.”

Sinusubukan ding hulihin ng pabalat na ilustrasyon ang tema ng kuwento, kaya ginamit ang stoplight. Kilala itong talinghaga upang ilarawan ang pagmamadali (lungtian), paghinto (pula), at pagitan (dilaw). Tamang-tama ang lungtian para ilarawan si Lola Apura, ngunit akma ba ang pula kung pagdahan-dahan naman at hindi paghinto ang katangian ni Lolo Un Momento?

 

Si-Lola-Apura1_large

 

Pinakapangunahing tagumpay ng aklat na ito ang pagtatampok ng isang lolo at isang lola bilang pangunahin at tanging mga tauhan sa isang aklat pambata. Sa mga akdang pambatang nabasa ko, madalas na ginagamit ang punto-de-bista ng isang bata upang ipakita ang búhay ng matatanda. Ipinapakita, kung gayon, ng aklat na ito ang isang posibilidad na puwedeng lamanin ng mga aklat pambata.

*

Mula sa Adarna House online catalogue ang pabalat at ang mga halimbawang pahina.

Mga Aklat para sa Batang Lumad

EugeneIbinabahagi natin ang artikulo ni Dr. Eugene Y. Evasco tungkol sa tatlong aklat pambatang inilimbag ng Save the Children para sa mga batang Lumad. Unang lumabas ito sa regular na kolum ni Dr. Evasco na “Buklat/Mulat” sa magasing Liwayway.

 

*

Malaking tulong ang mga aklat na lathala ng mga non-government organization upang punan ang pagkukulang ng mainstream at komersiyal na paglalathala na ang pangunahing market ay mga batang mula sa panggitnang uri at nakatira sa mga urban sa lugar sa Kalakhang Maynila at iba pang pangunahing lungsod sa bansa. Pokus ng pagpapahalaga ngayon ay ang tatlong aklat pambata na proyekto at inilathala ng Save the Children International. Ito ang nangungunang independent na organisasyon para sa bata na naglilingkod sa 120 bansa. Layunin ng samahan na “sagipin ang buhay ng mga bata; ipagtanggol ang kanilang mga karapatan; at tulungan silang matamo ang kanilang potensiyal.”

 

Tboli

 

Tinatawag na First Read (Manguna sa Unang Pagbasa) ang proyektong ito ng nasabing organisasyon, sa tulong ng Prudence Foundation. Naglalayon itong pagbutihin ang literasi at numerasi (o literasing pangmatematika) para sa mga batang edad 0-4 sa Metro Manila at sa South Central Mindanao.

Pinamagatang Kmô Ktool Lieg Mimet, I Ktagah Abuh, at Pangapog ang tatlong aklat na nalathala noong 2014. Nagsilbing patnugot sa proyekto si Michael Jude C. Tumamac (na kilalang Xi Zuq sa mga lathala niyang aklat pambata). May lakip itong salin sa Filipino sa huling spread ng aklat bilang tulong sa mga hindi nakakaunawa sa pangunahing wika ng aklat. Bawat aklat ay may laan ding impormasyon sa paratext (huling bahagi ng kuwento) kaugnay sa tampok na paksaing kultural—ang pagluluto ng abuh ng mga Blaan, ang kuwintas na mimet ng mga Tboli, at ang pagdiriwang ng mga Tagakaolo ng pangapog o ang pasasalamat sa masaganang ani. Ito ang elementong non-fiction na katangian ng mga aklat pambatang naratibo sa Pilipinas. Makatutulong ito upang maipaliwanag ang konteksto ng mga kuwento.

 

IMG_5550

 

Kapuri-puri ang mga paksang napili ng bawat aklat dahil malapit ito sa kultura at karanasan ng mga batang lumad. Mahalaga ang pagpili ng pamilyar na karanasan para sa edad 0-4 upang higit na makilala ng mambabasa ang kanilang sarili at paligid. At sa pagkakakilalang ito, higit na mapagtitibay ang pagmamalaki ng bata sa kaniyang sariling tradisyon at kultura.

Kadalasang paksain ng mga aklat para sa mambabasang nasabi nasabing edad ay ang konsepto ng alpabeto, numero, kulay, tunog, araw, panahon, hugis, pamilya, at pamayanan. Idagdag pa rito ang pagpapakilala ng mga bagay at salita na kadalasang makikita sa kaniyang paligid.

Sa Pilipinas, bibihira ang mga aklat na tumutugon sa pangangailangan ng nasabing edad. Sa palagay ng mga manunulat, masyadong payak ang ganitong larangan ng pagsulat. Paano lalahukan ng pagkapanitikan ang babasahin para sa murang edad? Paano pagaganahin ang pagkamalikhain para sa mga nagsisimulang mambabasa? Mga banyagang aklat ang kadalasang ginagamit o kaya’y umaasa na lamang sa materyales na ihahandog ng guro sa loob ng silid-aralan. Kailangang pasalamatan ang proyektong ito at sana’y simula pa lamang ito ng makabuluhang paglalathala.

 

Tagakaolo

 

Computer-aided o digital ang mga likhang-sining sa lahat ng aklat. Kapansin-pansin ang pagtatampok ng katutubong habi ng bawat kultura sa mga title page. Gayong nakinabang ang ilustrador na si Mark Lawrence Andres sa abanteng teknolohiya, hindi pa rin nawala ang mga detalyeng pangkatutubo sa kaniyang mga guhit. Detalyado at autentiko ang pagkakalarawan sa mga kasuotan, halaman, pananim, kapaligiran, at iba pang materyal na kultura ng bawat etnolinggwistikong grupo. Sumailalim sa pananaliksik, testing, at balidasyon ang mga guhit at kuwento sa aklat. Dahil dito, naging sensitibo’t maingat ang mga manlilikha sa kanilang target audience.

Payak ang daloy ng banghay sa mga aklat. Madali itong masundan sa paggamit ng limitadong bilang ng pangungusap (pinakamarami na ang dalawang pangungusap sa bawat spread). Magaan sa mata ang laki ng font at hindi siksik sa teksto ang bawat pahina.

May taglay na konsepto ang bawat aklat na mahalaga sa pag-unlad ng mambabasa. Sa Pangapog, naipakilala sa mambabasa ang proseso ng pagluluto ng mga Tagakaolo ng lolob (ang kakanin sa loob ng bumbong ng kawayan), ang pagpapakilala sa pagdiriwang pagkaraan ng pag-ani, at ang halaga ng pagtutulungan sa pamilya.

 

IMG_5594

 

Sa Kmô Ktool Lieg Mimet, naitampok ang sining ng paggawa ng palamuting kuwintas, ang halaga ang ugnayang magulang sa anak, at ang konsepto ng mga hugis at kulay sa tradisyonal na kagamitang Tboli.

At sa aklat namang I Ktagah Abuh, bukod sa pagpapatibay ng ugnayang pampamilya, ipinapakilala sa bata ang tradisyon ng Blaan sa paghahanda at pagluluto ng abuh mula sa dahon ng gabi, na waring laing ng mga Bikol ngunit walang gata.

Inaasahang makatutulong ang mga aklat sa pagpapaunlad ng karakter o pagkatao gaya ng pagtutulungan sa loob ng tahanan; ang positibong asal kaugnay sa paggawa at paglikha; at ang kaalamang panlipunan gaya ng gawaing pampamilya at pampamayanan. Ilahok pa rito ang pagpapayaman ng bokabolaryo, pag-aangat ng literasi, pagpapainam ng konsentrasyon sa mambabasa, at ang paghahanda sa mambabasa sa kanilang pagtuntong sa mas mataas na antas ng pag-aaral.

 

Blaan

Bilang mambabasang tagalabas, pinasilip ako sa kultura ng kababayan nating taga-Timog Mindanao. Bagamat magkaiba ang pinag-ugatan ko sa mga lumad, pinagbibigkis naman kami ng kulturang nakaangkla sa kalikasan. Kapwa kami nakinabang sa mga biyayang handog ng palay at ng mga halamang-ugat. Nakilala ko ang kanilang sining, ang kanilang tradisyon sa pag-ani, at ang pang-araw-araw na pamumuhay. Napagtatanto kong napakayaman ng karanasan ng bansa at marami pang hindi naisusulat at naikukuwento.

Pinakatagumpay ng mga aklat na mapunan ang pagkukulang sa mga babasahin para sa edad 0-4 at sa aklat na sadyang isinulat para sa mga batang lumad. Libre itong ipinamamahagi sa mga komunidad kaya hindi usapin na hindi ito nakararating sa karapat-dapat na mambabasa. Dahil sa sariling kultura ang tampok sa aklat, makatutulong ito upang makilala at maipagmalaki ng bata ang pinag-ugatan. Sana’y sa kanilang pagtanda, maging tagapagtanggol sila ng kanilang tradisyon. Hindi banyaga sa kanila ang mga imahen at konsepto. Nasusulat ito pa ito sa kanilang wika na nakatutulong upang mapalawak ang saklaw at potensiyal ng panitikang pambata sa Pilipinas.

 

IMG_5569

 

Bilang pagtatapos, nais kong ibahagi ang ulat ni Carina Storrs ng CNN (Peb. 2016) tungkol sa halaga ng pagbabasa ng magulang sa kanilang mga anak na tatlo hanggang limang taong gulang. Sang-ayon sa ulat na isinagawa ng Reading and Literacy Discovery Center ng Cincinnati Children’s Hospital, higit na aktibo ang kaliwang bahagi ng utak ng mga batang binabasahan o nagbabasa ng mga aklat. Ginamit sa pagsusuring ito (brain scan) ang functional magnetic resonance imagery (fMRI). Siyensiya na ang nagsasabi at nagpapatunay na may positibong epekto ng pagbabasa sa pag-unlad ng tao kaugnay sa mga salita at gunita. Sa bandang huli ng ulat, ipinapayo ng The American Academy of Pediatrics na simulan na ang pagbabasa at pagkukuwento sa mga bata sa oras ng kanilang kapanganakan.

Nawa’y tularan ng ibang organisasyon at tagapaglathala ang pangunguna ng Save the Children sa mga unang pagbasa o babasahin ng mga bata sa iba’t ibang dako ng bansa. Kailangan nating mamuhunan sa mga bata kung nais nating makalikha ng pagbabago sa ating lipunan.

*

Karapatang ari 2014 © ng Save the Children ang mga halimbawang pahina.

Sanday Tay Alib kag Tay Amar

Mula ang artikulong ito sa pitak ni Eugene Y. Evasco na “Buklat/Mulat” sa magasing Liwayway.

*

May kapangyarihan ang mga aklat pambata na maghain ng bagong pananaw sa konsepto ng pag-ibig at pamilya. Ito ang pinakatagumpay ni Noel G. de Leon sa aklat pambata niyang Sanday Tay Alib kag Tay Amar (Sina Tay Alib at Tay Amar, 2015) na may mga guhit ni Marrz Capanang. Malaon nang naging ahente ng tradisyonal na konsepto ng pamilya ang panitikang pambata. Sa mga pinakasimpleng kuwento hanggang sa panitikang-bayan, naitatampok ang tahanang binubuo ng tatay, nanay, at mga anak. Sa bisa ng mga babasahing ito, napagtitibay ang heteronormatibong konsepto ng pamilya. Kaya kapag ipinaguguhit sa bata ang kanilang ideya ng pamilya o ng tahanan, ang mga imahen sa mga nabasang aklat ang kanilang nalilikha.

`

cropped-11031142_1054903547858144_1300258024_o-e1447761995212.jpg

`

Sa kasalukuyang paglalathala, mayroong mga aklat pambata na naglalatag ng ibang kaayusan at karanasang pampamilya. May tumalakay na sa mag-asawang hiwalay at kung paano tinanggap ang realidad na iyon ng mga bata; may tumalakay sa pagiging single parent at sa pagiging anak sa labas; may nagtampok naman sa pagiging ampon ng pamilya o sa paglaki naman sa isang bahay ampunan. May aklat na ring nagtatampok ng isang bata na pinalaki ng kaniyang mga lola. Marapat ding banggitin ang Ang Ikaklit sa Aming Hardin (2012) na nagpapakita ng mapagkalingang lesbianang magulang. Sa aking palagay, magkaugnay ang kuwentong ito sa layunin at sa tagumpay.

Sa aklat na ito, dalawang lalaki ang magulang ng batang tagapagsalaysay. Kakaiba sa mga naunang aklat, walang lantad na tunggalian ang kuwento ni de Leon. Walang mga dramatikong eksena na ang bata’y naiipit sa kaniyang sitwasyon, sang-ayon sa mga itinakda ng lipunan. Walang mga komprontasyon at panunukso ng mga bata buhat sa tradisyonal na uri ng pamilya. Nasa ideal na lipunan ang lunan ng aklat. Walang bullying sa batang anak ng dalawang lalaki. Walang anumang galit o pagsasantabi mula sa pamayanan at mga institusyon gaya ng paaralan at simbahan. Mababakas ito sa isang spread ng aklat na nagsimba ang mag-anak sa Jaro Cathedral. Sa kuwento ng batang tauhan, dito daw unang nagtagpo ang kaniyang mga ama.

`

pp 5-18

`

Layunin ng aklat na itampok ang kakayahan ng mga homosekswal bilang mabuting magulang. Nanaig ang kasingkasing (puso) sa aklat. Bawat spread at pahina sa aklat ay pagbibigay-pugay sa mga amang sina Alib at Amar, mga pangalan buhat sa gulay (amargoso o ampalaya) at sa dahon ng alibhon na nakagagamot ng ubo. Ipinakilala ng bata ang kanilang tahanang ligid ng mga bulaklak. Dito pa lamang, kapuri-puri na ang pagiging magulang dahil sa paglalapit sa bata sa kalikasan. Simbolikal din ang mga bulaklak sa mabunga at makulay na pangangalaga ng buhay ng dalawang lalaki.

Walang banggit sa sekswalidad ng magulang. Maingat ang depiksiyon ng mga lalaki sa guhit. Walang estereotipo o de-kahong paglalarawan sa kabaklaan gaya ng ipinamamalas sa pelikula at telebisyon. Kung kaya, hindi dapat katakutan ng mga magulang, paaralan, at simbahan ang aklat.

Busog ang batang tauhan sa panitikang-bayan na laging kuwento sa kaniyang ng amang si Amar. Naikuwento sa kaniya ang mga pakikipagsapalaran ni Datu Marikudo at ang bayani ng epikong Panay na si Humdapnon. Bukod sa patas na hatian sa trabaho, ipinakilala rin sa bata ang mga mainam na pagpapanatili ng tahanan—pagluluto, paglilinis, paglalaba, pagpapalamuti. Maliban sa pagiging edukasyonal ng bahaging ito, naipamamalas sa mga mambabasa, sa mahinahong pamamaraan, ang kakayahan ng dalawang lalaki na mapagtaguyod at magpanatili ng mainam na tahanan para sa bata.

Pagtatampok sa mga pangkulturang icon ang nakikita ko pang kabuluhan ng aklat. Ipinakilala rito ang mga tauhan ng panitikang-bayan, ang katedral sa Jaro, mga halamang gamot, at saka ang pagkaing queen siopao at lutuin gaya ng “ginlutik nga kalabasa, pinaksyo nga bilongbilong, sinugba nga bangrus, kay adobo nga balatong.” Pinagyayaman nito ang karanasang kultural ng mga bata at nagbibigay ito ng ugat at katutubong kulay (local color) sa teksto. Mahalaga ang ganitong gawain sa panulat upang magkaroon ng kaakukan o identidad ng teksto. Hindi kailangang laging maging unibersal ang kathang susulatin upang makapang-akit ng mas maraming mambabasa.

`

pp 11-12

`

Akma ang mga guhit sa nilalaman ng kuwento. May pagkakatutubo (folksy) ang estilo dahil na rin sa ideal na lunan at sitwasyon ng katha. Tila maliliit na kuwadro ng pintura ang mga ilustrasyon. Bakas sa ilustrasyon ni Capanang ang detalyado at masinsing pagguhit at pagkulay. Mapapansin ito sa likha niya sa mga damo, sa mga bulaklak, at maging sa ulap at kabukiran. Litaw ang saliksik niya sa mga guhit ng mga tauhan sa panitikang-bayan. Kapansin-pansin ang dedikasyon sa pag-ukol niya ng panahon sa disenyo ng kasuotan sa at mga gamit pandigma. Maaalala ang estilo nina Albert Gamos (Si Pandakotyong) at Ruben de Jesus (Ang Mahiyaing Manok at Alamat ng Lamok) sa mga guhit sa aklat.

Maaliwalas sa mata ang ginamit na font. Maraming white space sa aklat kaya magaan sa mata at madaling basahin. Malinis ang disenyo ng aklat. Hindi text-heavy at mainam itong gamiting storytelling sa klase at sa tahanan.

Nakalulugod ding nasa wikang Hiligaynon ang aklat at walang salin sa Ingles at Filipino. Panahon na upang pagyamanin ang aklat pambata sa rehiyon. Hindi dapat maging sentro lamang ng paglalathala at mga malikhaing gawain ang Kalakhang Maynila. Kailangan ng mga palimbagan gaya ng Kasingkasing Press at ng suporta ng mambabasa sa bawat rehiyon at lalawigan ng bansa upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga batang mambabasa.

`

pp 17-6.jpg

`

Nawa’y maging simula ito ng mayamang produksiyon ng mga aklat pambata sa iba’t ibang wika at kultura ng ating bansa. Nawa’y makahikayat din ang aklat na ito na patuloy na maghapag ng positibo at mapagpalayang imahinasyon kaugnay sa mga homosekswal ng lipunang Filipino. Nawa’y ang mga aklat pambata ay makatulong upang igalang ang maraming uri ng pamilya at pag-ibig. At iyan ang kailangang taglay ng ating kasingkasing.

Si Znork

Nakaaaliw ang aklat pambata na “Si Znork, Ang Kabayong Mahilig Matulog,” na isinulat ni Mark Anthony Angeles, iginuhit ni Pergylene Acuña, at inilimbag ng Lampara House noong 2014. Itinatampok nito ang antuking kabayong si Znork at ang pagpupursigi niya upang maging isang kabayong pangarera.

 

Znork2

 

Nakatihayang Kabayo

Inaanyayahan na agad ng pabalat, na ipinapakita ang nakatihayang si Znork, ang mga mambabasa na buklatin ang aklat. Kahit hindi naman talaga nakatihayang natutulog ang mga kabayo sa totoong buhay, nakaaaliw ang epekto ng pagpapatihaya rito dahil idinidiin nito ang katangian ni Znork na pagiging antukin.

Nakaaaliw din ang makikitang ilustrasyon sa loob ng aklat. Naitawid ang personalidad ng bawat kabayo sa pamamagitan ng pag-iiba sa kanilang haba, mga mata, tikas, at kulay. Hindi talaga maitatangging mapaglaro ang ilustrasyon, kahit nawala man ang tingkad ng mga kulay nito nang naimprenta.

Nakapagtataka lamang sa una kung bakit napakapayak ng pagkakagawa kay Znork, kaya naliligaw ako minsan kung nasaan siya sa pahina, tulad noong nagsimula na silang magsanay. Ngunit marahil ipinapakita nito ang isang punto ng kuwento na ang isang pangkaraniwang kabayo ay naging matagumpay din sa huli.

At nakaaaliw man ang font na ginamit sa pabalat, hindi ito nasundan sa loob. Hindi rin naging maayos ang pagkakasalansan ng teksto at iba pang elemento sa bawat pahina.

 

Znork2

 

Malinis na Balangkas

Hindi nakapagtatakang kinilalang ikatlong pinakamahusay na kuwento ang “Si Znork” sa Lampara Books Children’s Story Writing Contest noong 2013. Malinis ang pagkakalatag ng salaysay nito, mula sa pagpapakilala kay Znork bilang isang antuking kabayo, hanggang sa kaniyang pagbabago upang maging isang magaling at maaasahang kabayo. Kailangan lamang siguro ng kaunting detalye pa sa pagpupursigi ni Znork upang magbago dahil hindi pa ganoon katindi ang ipinalalabas ng salaysay.

Mapaglaro rin ang paggamit ng wika ng sumulat. Bumabahing, bumubunghalit, humahalinghing, at humihikab, halimbawa, si Znork.  Maging ang pangalan mismo ni Znork ay isang patunay ng paglalarong ito. Bukod sa sinususugan nito ang katangian ng tauhan, tiyak na magigiliwan ng mga mambabasa ang pagbigkas ng kaniyang pangalan at ang ingay na kaniyang nililikha – Ngoooooork!

At ang pinakanakatutuwang bahagi ng kuwento ay ang malámang naging kabayo ng bayaning si Gregorio del Pilar si Znork!  Nakatutuwang pagsipat ito sa buhay ng mga bayani! Kasama ng “Si Andoy, Ang Batang Tondo,” bahagi ito ng isang serye ng mga kuwento tungkol sa mga bayani.

Sinong bayani kaya ang susunod na itatampok ng manunulat?

*

Mula ang mga larawan sa Bēhance account ng ilustrador.

Mang Andoy’s Signs

Tahanan Books for Young Readers’ new release, Mang Andoy’s Signs, is an epitome of an exquisite picture book – both the text and the illustrations do their part in telling the story.

 

Cover

 

Penned by seasoned children’s writer Mailin Paterno, the story is told in just a few lines. But these lines do not only push the plot forward, they also have literary quality. Take the very first sentence of the story: “Mang Andoy was a quiet man who made signs.” In terms of plot, the sentence introduces the main character and point of interest. But it also contains a poetic play on words – the opposition of Mang Andoy as a quiet man and his work of making signs, a medium that ‘speaks.’ This opposition is duplicated in different levels throughout the book.

Paterno’s lines also contain verbs that describe the characters’ personality. The mayor in this book, for instance, “stormed into Mang Andoy’s workshop” and “stamped on the wooden floor.” My favourite line in the book is actually of the mayor: “His hands cut the air around him in big loops.”

 

ANDOY_Small-File_Page_05

 

But the text is only half the story. The illustrations by award-winning illustrator Isabel “Pepper” Roxas’ actually make up most of Mang Andoy’s Signs. Firstly, she captures the style and wit present in many of our signage as depicted in the bicolour “Cubao Ibabaw” bus route sign, the “Ice Ice Kendi” store sign, the “Good Lock Key Smith” shop sign, and many others.

Secondly, Roxas’ use of paper scraps, such as bus tickets and time-in cards, adds to the urban-scape of the story. This underscores the role of signs as markers of a city, especially in communication and navigation. Signs, the book reveals to us, are therefore integral parts of living in the city. The illustrations effectively portray this realisation.

 

ANDOY_Small-File_Page_09

 

There are many picture books with beautiful text and illustrations that never create a perfect harmony when put together. Mang Andoy’s Signs is not one of these. Though the text is present in most spreads, it only says what it needs to say and lets the illustrations do most of the storytelling. Readers would see, for instance, how the chaotic images in some spreads transform into organised ones without the text telling it. In fact, the second, third, and fourth to the last spreads have no text at all, except for the signs doing their job!

Truly, the marriage of Paterno’s text and Roxas’ illustration makes Mang Andoy’s Signs an exquisite picture book for all ages.

(All pictures are from the website of Tahanan Books for Young Readers.)

Sanday Tay Alib kag Tay Amar

Hindi pangkaraniwan ang aklat na Sanday Tay Alib kag Tay Amar (Sina Tay Alib at Tay Amar; Kasingkasing Press, 2015). Bukod sa isa ito sa iilang aklat pambata sa wikang rehiyonal sa Filipinas na walang salin sa Filipino o Ingles, kahanga-hanga ang pinapaksa nito, ang pagsalaysay ni Noel G. de Leon, at ang pagguhit ni Marrz Capanang.

 

Sanday Cover

 

Dalawang Ama

Malinaw ang paksa ng aklat sa pambungad na pangungusap pa lamang nito: “Nagdako ako nga duha ang ginakilala nga amay – sanday Tay Alib kag Tay Amar.” (Lumaki akong dalawa ang kinikilalang ama – sina Tay Alib at Tay Amar.) At inisa-isa nga ng aklat ang mga pagpapakita ng dalawang ama ng pagmamahal nila sa batang tagapagsalaysay – pagpunta sa simbahan, pagkukuwento, pagtuturo ng mga gawaing bahay, at iba pa.

Maayos ang pagkakalatag ni Noel G. de Leon sa paksa: hindi nito ipinagdiinan ang ayos ng pamilya ng batang tagapagsalaysay at inisa-isa lámang ang mga ginagawa nila. Madalas kasing kapag ipinagdidiinan ang paksa, lumilitaw ang pakay ng manunulat at nawawala ang awtentisidad ng tinig ng bata.

Magandang basahin ang aklat na ito kasama ng Ang Ikaklit sa Aming Hardin, na tungkol naman sa pagkakaroon ng dalawang nanay.

 

Sanday3

 

Ang pag-isa-isang ito sa loob ng pitong pahina ay paglalatag muna ng kaligiran ng kuwento bago ang pagpapakilala ng pangunahing aksiyon. May panganib na hatid lamang ang ganitong estruktura kung masyadong mahaba. May posibilidad na mabagot ang mambabasa, kaya kailangang mahalaga at nakakapukaw ng atensiyon ang bawat eksenang isasama.

Sa aklat na ito, kailangan pang higpitan ang haba at paraaan ng paglalarawan. Puwedeng maglagay ng mga usapan upang mas buháy ang mga eksena. Puwede ring mas maagang ipakilala ang pangunahing aksiyon.

 

Sanday1

 

Mga Kakaibang Kamay

Nakamamangha rin ang ilustrasyon ng aklat na ito. Napakaraming detalye at napakatingkad ng mga kulay upang ipakita ang ligaya ng batang tagapagsalaysay sa piling ng dalawang ama. Kapansin-pansin din ang mga kakaibang kamay (na aaminin kong hindi ko nagustuhan sa una), na sa basa ko ay simbolo ng pagmamahal – pagyakap, paglunas, pagkapit, at iba pa.

Kailangan lamang sigurong tingnan pang mabuti ang laki ng mga tauhan dahil may mga pahinang medyo maliit ang bata at minsan napakalaki naman. Maaaring magsimula sa kung ano o kaninong pananaw ang gagamitin sa pagguhit. Suriin din ang mga isinasamang tauhan at elemento. Bakit, halimbawa, may babaeng nasa foreground sa guhit ng pagpunta sa simbahan? O bakit ang bahay na walang mga tauhan ang ipambubungad sa aklat?

Maganda rin sanang mas pag-isipan pa ang layout ng mga pahina, font, at ang paglalagay ng border.

 

Sanday2

 

Sa pangkalahatan, hindi maitatangging isang kahanga-hangang aklat ang Sanday Tay Alib kag Tay Amar. At tulad ng batang tagapagsalaysay, “iestorya ko sa bilog nga eskwelahan, sa akon mga manunudlo, kag mga kaklase ang kabuot sang duha ko ka amay” (ikukuwento ko sa buong paaralan, sa aking mga guro, at sa mga kaklase ang kabaitan ng dalawa kong ama).